Thursday, March 22, 2012

Hamon ng obispo, wakasan ang krisis sa kriminalidad



MALOLOS—Tahasang hinamon ng simbahan ang admnistrasyong Aquino na wakasan ang krisis sa kriminalidad sa bansa, sa halip na malibang sa panonood ng impeachement trial.

Hinamon din ng simbahan ang pambansang pulisya na tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsawata sa krimen, sa halip na pagtukoy lamang sa mga nasa likod ng krimen.

Ayon kay Obispo Jose Oliveros ng Diyosesis ng Malolos,  hindi na biro ang mga kaso ng kriminalidad sa bansa, at ito ay dapat tugunan ng pamahalaang pambansa at lokal.

“What’s happening in Bulacan is not isolated, it’s a picture of crisis today that is happening all over the country,” ani Oliveros.

Iginiit pa niya, “Ano ba talaga ang ginagawa ng gobyerno, may political will ba to fight criminality in our midst?

Ang problema naka-concentrate sa impeachment, pero ang daming patayan, nakikidnap, ninanakawan araw-araw in other parts of the country.”

Ang tinutukoy ng obispo ay ang mga krimen sa Bulacan, maging sa Mindanao, Visayas at kalakhang Maynila.

Sinabi pa niya na wala sa kalingkingan ng krimeng nagaganap sa ibang bahagi ng bansa ang mga krimen sa Bulacan araw-araw.

Nitong Miyerkoles, isang manggagawa ng simbahan ang iniulat na pinaslang sa lungsod na ito, matapos ang sunod-sunod na krimen na tinampukan ng mga mapapanagahas na pamamaslang.

Ang mga pamamaslang sa lalawigan ay ipinangamba ng mga negosyante, at nagtulak naman kay Gob. Wilhelmino Alvarado upang pulungin ang Provincial Peace and Order Council (PPOC) noong Marso 5.

Batay sa ulat ng pulisya, bumaba ang bilang ng krimen sa Bulacan noong 2011 kumparra sa naitala noong 2010.

Ipinagmalaki rin ng pulisya na bumaba ang bilang ng krimen sa lalawigan sa unang dalawang buwan ng taon kumpara sa katulad na panahon noong 2011.

Sa kabila nito, ipinayo ni Alvarado ang mas madalas na pulong ng PPOC upang tugunan ang lumalalang krimen na naghahatid ng pangamba sa mga negosyante.

Inamin din ni Alvarado na maging siya ay nangamba sa pagiging mapangahas ng mga kriminal sa paggawa ng krimen, dahil karaniwan sa mga ito ay tanghaling tapat nang isagawa.

Ayon pa sa gobernador, isang insulto sa gobyerno at pulisya ang pagiging mapangahas ng mga kriminal.

Kabilang sa mga pinaslang ng tanghaling tapat sa Bulacan ay ang negosyanteng si Cristina Roaxas ng Paombong na binaril at napatay habang nakasakay sa isang pampasaherong jeepney di kalayuan sa bakuran ng kapitolyo.

Pinagbabaril din at napatay ang isang abogado sa loob ng kanyang tanggapan sa Lungsod ng San Jose Del Monte.

Ang dalawang insidente ay kapwa naganap sa pagitan ng alas 11 ng umaga at alas-12 ng tanghali noong nakaraang buwan.

No comments:

Post a Comment