Tuesday, April 17, 2012

Hatol kay Dominguez:17-30 taong pagkakabilanggo


 
MALOLOS CITY – Posibleng mabulok na sa bilangguan ang itinuturing na lider ng kilabot na carnap group na si Raymond Dominguez matapos na siya ay hatulan kahapon ng 17 hanggang 30-taong ng pagkakabilanggo.

Ito ay batay sa 11 pahinang desisyong inilabas ni Judge Wilfredo Nieves ng Regional Trial Court Branch 84 kung saan ay nahatulang guilty si Dominguez sa kasong carnapping.

Ngunit dinismis naman ni Nieves ang kasong robbery laban sa itinuturing na carnap king matapos na hindi ito mapatunayan sa korte ng prosekusyon.

Hinggil naman sa sinasabing dalawang kasabwat ni Dominguez, ang kasong carnapping ay ipina-archive ni Nieves hanggang sa maaresto ang mga ito upang muling buksan ang kaso.

Kaugnay nito, sinabi ni Jose Cruz, abogado ni Dominguez na iaapela nila sa Court of Appeals and nasabing desisyon.

Umaasa rin si Cruz na magiging paborable ang magiging tugon sa kanila ng CA dahil sa ang kasong robbery laban sa kanyang kliyente ay dinismis ng RTC.

Ito raw ay dahil sa hindi napatunayan ang pagkakakilanlan ng suspek.

Ang kasong carnapping laban kay Dominguez ay nag-ugat sa insidente ng carnaping sa Saog, Marilao noong Enero 14, 2010 kung saan ay inagaw sa isang Dante Escoto ang isang itim na Toyota Fortuner na may plakang ZGW-872 na nagkakahalaga ng P1.6-milyon.

Ayon kay Escoto, naghahanap lamang siya noon ng pamalit na matting para sa Fortuner na service vehicle ng lumapit ang tatlong lalaki na ang isa ay nakilala niyang si Dominguez sa isang police rogue photo gallery.

Bukod sa Fortuner, natangay din kay Escoto ang mga alahas, cash, laptop at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng P116,000.

No comments:

Post a Comment