Monday, May 21, 2012

P200,000 pabuya inialok para sa pagdakip sa killer ng abogado at pulis




MALOLOS—Naghanda na ng P200,000 pabuhay ang pamahalaang lungsod ng Malolos para sa ikadarakip ng mga salarin sa pamamaslang sa isang abogado at pulis sa lungsod na ito noong Huwebes, Mayo 17.

Ang pabuya ay inialok ni Mayor Christian Natividad noong Biyernes o isang araw matapos pagbabarilin at mapatay sina Abogado Lysandro Sanches at PO2 Ronnel Coquia sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Tikay ng Lungsod na ito bandang alas-10:45 ng umaga noong Huwebes.

Ang dalawang biktima ay galing sa Regional Trial Court (RTC) Branch 78 kung saan ay dumalo sila sa pagdnig sa kasong robbery na isinampa laban kay Coquia.

Ayon kay Natividad, dapat ng mapigil ang pamamaslang, at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Ito ay bilang tugon sa serye ng pamamaslang sa lungsod na ito na may kaugnayan sa mga taong nagsampa o sinampahan ng kaso sa korte.

Noong Enero 25, binaril at napatay habang sakay ng isang jeepney sa kahabaaan ng McArthur Highway di kalayuan sa kapitolyo si Cristina Roxas, isang negosyante mula sa bayan ng Paombong.

Ang pamamaslang kay Roxas ay naganap ilang minuto matapos niyang lisanin ang RTC sa loob ng bakuran ng kapitolyo.  Siya ay pinaslang bandang alas 11:00 ng umaga.

Una rito, isa pang biktima ang pinaslang rin habang nakasakay sa isang jeepney di kalayuan sa cityhall ng Malolos noong Nobyembre.

Ang biktima ay galing naman sa pagdinig ng kaso sa Municipal Trial Court  (MTC) ng Malolos.

Matatandaan na nito Marso ay ipinatawag ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang pulong para sa peace and order council ng Bulacan upang tugunan ang mga insidente ng kriminalidad sa lalawigan.

Batay sa ulat ng panglalawigang pulisya sa pangunguna ni Senior Supt. Fernando Mendez, mas mababa ang insidente ng kriminalidad sa Bulacan sa taong ito kumpara noong nakaraang taon.

Inayunan ito ni Alvarado, ngunit nagapahayag siya ng pangamba sa pagiging mapangahas ng mga kriminal sa lalawigan.

Ito ay dahil sa kahit tanghaling tapat ay nagsasagawa ang mga ito ng pamamaslang.

Para kay Alvarado, isang insulto sa pamahalaan ang mga pamamaslang at mapapangahas na insidente ng kriminal sa lalawigan.

Dahil dito, inatsan niya ang panglalawigang pulisya na tugisin ang mga kriminal upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lalawigan.

No comments:

Post a Comment