Tuesday, November 6, 2012

Notoryus na "salisi gay", nadakip


HAGONOY, Bulacan—Nadakip ng pulisya ng bayang ito ang isang notoryus na “salisi gay” matapos nitong pagnakawan ang pamilyang kumupkop sa kanya ng dalawang buwan.

Ang bading na suspek ay kinilala ni Superintendent Rolando Santos, hepe ng pulisya ng bayang ito na si Jimbo Arellano, 23, residente ng Barangay San Agustin.

Ayon kay Santos, si Arellano ay dinakip matapos pagnakawan si Charry Kit Serrano, 24, isang call center agent mula Barangay San Miguel ng bayang ito.

Nabawi sa suspek ang mga kagamitan ni Serrano katulad ng laptop, cellular phone at iba pang mahahalagang bagay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ipinagdiwang ni Ernesto Serrano,49, ama ng biktima ang kanyang kaarawan noong Linggo at inimbita pa ang suspek.

Ayon kay Ernesto, dalawang buwan nilang kinupkop ang supek at pagkatapos nito ay kinupkop din ito ng dalawa pang buwan ng kanyang kapatid.

Noong Linggo, hinintay ng suspek na malasing at makatulog ang pamilya ng biktima saka tinangay nito ang kagamitan ng call center agent.

Ayon kay Santos, mahigit limang beses ng inreklamo ng ibat-ibang tao suspek dahil sa pagnanakaw, ngunit iniuurong ang kaso dahil naaawa sa suspek.

“Lagi siyang nagpapa-awa kaya di nakukulong, pero ngayon ang PNP na na magiging complaintant laban sa kanya,” ani Santos.

Iginiit pa niya na ang modus operandi ng suspek ay kaibiganin ang mga biktima at kapag nakuha nang loob ay ninanakawan.

Inamin naman ng suspek ang krimen, ngunit iginiit nito na bukod kay Serrano ay minsan pa lamang siyang nagnakaw sa barangay Sta. Monica.  (Dino Balabo)

Single mother pinaslang sa puntod ng ina



 HAGONOY, Bulacan—Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 36-anyos na single mother sa bayang ito ng barilin siya sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Marily Perez, 36 anyos, may tatlong anak, hiwalay sa asawa at residente ng Barangay Mercado sa bayang ito.

Si Perez ay pinaslang habang dinadalaw ang puntod ng kanyang ina na inilibing noong Oktubre 27 sa Sto. Rosario Cemetery, na nasa likod lamang ng simbahan ng parokya ni Sto. Rosario.

Kasama niya ang kanyang pamangkin na nakilala sa pangalang Jessica Perez ng maganap ang pamaslang, ilang minuto matapos ang pang alas-singkong misa na kanilang dinaluhan sa nasabing simbahan.

Ayon sa mga kaanak at kaibigan ng biktima, ang magtiyahim lamang ang pumasok sa sementeryo dahil sa high tide noong Linggo ng umaga.

Habang nagdarasal sa harap ng puntod ng ina ang biktima ay isang lalaking nakasuot ng bone tang lumapit at inakbayan ang biktima pagkatapos ay pinapautukan sa ulo.

Agad na humandusay ang katawan ni Perez samantalang si Jessica ay nagsisigaw upang humingi ng saklolo, ngunit tinutukan din siya ng baril ng suspek.

Gayunpaman, hindi pinaputukan si Jessica, sa halip ay pinaputukan pa ng dalawang beses ng suspek si Perez.

Ang insidente ay agad namang nabalita sa bayang ito ng banggitin ito sa sermon ni Fr. Jess Cruz sa misang isinagawa sa simbahan ng Sta. Ana sa kabayan ng bayang ito.

Kaugnay nito, sinabi ng pulisya na  kasalukuyan pa nilang tinutukoy ang motibo sa pamamaslang.  (Dino Balabo)

Payapa ang paggunita ng undas sa Bulacan




HAGONOY, Bulacan—Maliban sa pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa ilang lugar sa Bulacan at masikip na daan sa mga libingan, naging payapa an gang paggunita ng undas sa lalawigan.

Ayon kay Senior Superintendent Fernando Mendez, direktor ng pulisya sa Bulacan, “generally peaceful” ang taunang paggunita ng undas sa lalawigan.

Inayunan din ito ng iba pang mataaas na opisyal ng pulisya sa lalawigan tulad nina Senior Supt. Adriano Enong, ang deputy provincial director for operations ng panglalawigang tanggapan ng pulisya,  at Supt. Rodolfo Hernandez, ang hepe ng pulisya sa bayan ng San Rafael.

Gayunpaman, sinabi  ni Hernandez na isa sa naging problema nila ay ang pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko partikular na mga lansangang malapit sa mga libingan.

Inihalimbawa niya ang kahabaan ng Donya Remedios Trinidad Highway sa bayan ng San Rafael.
 
Ayon kay Hernandez, tatlong sementeryo ang malapit sa highway, kaya’t sumikip ang daloy ng trapiko.

Bukod sa trapiko aynagsikip din ang mga daan o pasilyo sa mga pampublikong libingan sa lalawigan.

Ito ay dahil sa pagdagsa ng mga tao na ang karamihan ay inabot ng gabi dahil sa magandang panahon noong araw ng undas.

Isang halimbawa ay ang Hagonoy Municipal Cemetery na matatagpuan sa Barangay San Sebastian sa bayang ito.

Ayon sa ilang residente, bukod sa maraming tao sa libingan ay kumipot ang mga daang tao dahil may mga itinayong puntod sa gilid ng mga daanan na dati ay maluwang.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang mga Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) sa simbahan at mga pamahalaang lokal na pagtulungan ang pagsasaayos ng mga libingan sa lalawigan.

Ayon kay Isagani Giron, dating pangulo ng Sampaka, unti-unting nasisira ng mga puntod at iba pang gamit sa mga libingan.

Inihalimbawa niya ang puntod ng 20 kababaihan sa Malolos na ang ilang kasapi ay nakalibing sa Malolos Catholic Cemetery na itinayo noong 1680.

“Hinanap ko bago mag-undas yung puntod ng ilang kasapi ng Women of Malolos, pero yung iba hindi ko na makita,” ani Giron.

Samantala, mistula namang mga bahay sa subdibisyon ang mga musoleo sa dalawang pribadong memorial park sa bayan ng Baliwag.

Ito ay dahil sa naglalakihan ang mga ito at ang iba ay may ikatlong palapag pa.

Ayon kay Jaime Corpuz, pangulo ng sangay ng Heritage Conservation Society (HCS) sa Bulacan, ang mga libingan sa salamin ng kasaysayan at kalinangan ng isang bayan.

Binigyang pansin niya na ang bayan ng Baliwag na ayon sa mga manunulat ay itinuturing na “Binondo ng Bulacan” dahil sa ang glorieta nito ay nakakahalintulad ng glorieta ng Binondo.

“Marami na ang nagkamali sa larawan ng glorieta ng Baliwag na nasa mga libro dahil ang akala nila ay glorieta ng Binondo,” ani Corpuz.

Ipinaliwanag ni Corpuz na ang bayan ng Baliwag ay namumukod tangi sa Bulacan dahil ito ay isa sa mga pangunahing pamayanan ng mayayamang Tsino na nanirahan sa lalawigan noong panahon ng Kastila.

“Ang sentro noon ng lalawigan ay ang bayan ng Bulakan, at siyempre may diskriminasyon pa sa mga Chinese kaya nasa medyo malayo sila, kaya sa Baliwag sila nanirahan,” ani Corpuz.
 
Ikinuwento niya na ang kaunlaran ng Baliwag sa nagdaang panahon ay makikita sa kalagayan ng mga musoleo sa mga libingan nito, lalo na sa Sto. Cristo Catholic Cemetery.

Ayon kay Corpuz, ang mga naglalakihang musoleo sa mga pribadong memorial park sa nasabing bayan ay naimpluwensiyahan ng mga musoleo sa Sto. Cristo Catholic Cemetery, at ang mga ito ay nagpapakita ng pagiging progresibo ng bayan.

“Second home ang pananaw ng marami sa sementeryo, kaya ginagastusan nila ang musoleo ng pumanaw na kaanak at doon mo makikita kung sino ang mayaman ay hindi.,” ani Corpuz.

Una rito, nanawagan din si Corpuz sa mga pamahalaang lokal na pag-aaralan ang potensyal ng mga sementeryo upang maging isang tourist attraction.

Dahil dito, iginiit niya na dapat proteksyunan ng mga pamahalaang lokal ang mga sementeryo.  (Dino Balabo)