SAN
RAFAEL, Bulacan—Humiling ng tulong kay Justice Secretary Leila De Lima ang
kaanak ng magkapatid sa bayang ito na pinaslang dahil sa banta ng anak ng isang
pulitiko na ubusin ang kanilang pamilya.
Ang
pangunahing kahilingan nila at maipatupad ang warrant of arrest sa mga suspek
na pumaslang kina SPO4 Norberto Ignacio at nakababatang kapatid na si Renato.
Si
Norberto ay pinaslang noong Abril 15 at si Renato at nitiong Oktubre 20. Noong Sabado, Oktubre 27, inilibing si Renato
sa Baliwag Municipal Cemetery sa Barangay Sto. Cristo ng nasabing bayan.
“Sana
po tulungan ninyo kami, na mabigyan ng hustisya at magkaroon ng patas na laban
kasi makapangyarihan sila at kami ay mahirap lang,” sabi ni Beth Ignacio, ang
nakababatang kapatid ng mga biktima.
Inilahad
niya na naniniwala silang ang mga suspek sa pagpatay sa kaniyang dalawang
kapatid ay pareho.
Ang
pamamaslang ay nagsimula ng makasagutan ni Norberto sa sabungan sa bayan ng Baliwag
ang isang anak ng pulitiko sa bayang ito.
Natalo
sa sabong ang anak ng pulitiko at binugbog ang lalaking nanalo, ngunit lumapit
ito at humingi ng tulong kay Norberto na noo’y nasa serbisyo pa.
Tinanggihan
naman ni Norberto ang hiling ng anak ng pulitiko na ibigay sa kanya ang lalaki
dahil daw sa planong patayin iyon.
Dahil
sa pagtanggi, binantaan ng anak ng pulitiko si Norberto na uubusin ang kanyang
pamilya; at ilang buwan matapos ito, pinaslang siya.
Noong
Oktubre 20, pinaslang si Renato sa loob ng kanyang bahay habang naghahapunan
kasama ang kanyang maybahay na si Josephine na binaril din ng suspek.
Himalang
nakaligtas si Josephine dahil sa ang bala ay tumama sa kanyang wedding ring na
ikinabali ng kanyang daliri.
Ngunit
tinamaan ng tumalsik na bala ang kanyang atay, kidney at baga.
Si
Josephine ay kasalukuyang pang nasa Bulacan Medical Center at hindi nakadalo sa
libing ng kanyang asawa.
Ayon
kay Edman De Guzman, pamangkin nina Norberto at Renato, malaki ang posibilidad
na maulit ang pamamaslang kung hindi maaresto ang mga suspek na tauhan ng anak
ng pulitiko.