LUNGSOD NG
MALOLOS – Nagkapira-piraso ang naputol na daliri ng isang jail officer na
nag-escort kay Raymond Dominguez matapos aksidenteng pumutok ang kanyang baril.
Ito ay naganap ilang minuto bago muling ihatid sa Bicutan
ang itinuturing na carnap king na si Dominguez, at halos 10-minuto matapos
siyang hatulan ni Judge Wilfredo Nieves ng Regional Trial Court Branch 84 sa
lungsod na ito ng 17 hanggang 30-taong pagkakabilanggo dahil sa kasong
carnapping.
Ang jail officer ay nakilalang si Legazpi Cabatcha, 25, ng Mindanao Avenue,
Project 8, Quezon City.
Batay sa pahayag ng mga saksi, nakikipagkuwentuhan ang
biktima sa kapwa jail officer habang naghihintay ng pagbiyahe pabalik ng ng
Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
“Nagulat yung kasamang jailguard, napatakbo,” ani ng isang
kawani ng RTC na humiling na huwag banggitin ang pangalan, “pati kami kinapa
namin yung sarili namin baka may tama kami.”
Sinabi niya na inakala din umano niya na may iba pang
tinamaan bandang alas-9:45 ng umaga ng Martes.
“Nagulat din yung naputukan, pero mas nagulat kami ng itaas
yung kamay na dumudugo,” ani ng kawani.
Maging ang ibang kawani ng RTC ay nagulat din sa putok
kaya’t sila man ay nagsidungaw sa mga bintana at naglabasan sa tanggapan.
“Akala namin ay si Raymond ang tinira,” sabi ng isa pang
kawani ng korte na ayaw ding ipabanggit ang pangalan.
Si Cabatcha ay agad na isinugod sa Bulacan Medical Center at
ayon sa mga duktor, ang naganap ay isang self accident.
Agad ding nilisan nina Cabatcha ang Bulacan Medical Center
matapos malapatan ng lunas upang makaiwas sa mga mamamahayag na kumakapanayam sa
abogado ni Dominguez ng pumutok ang baril ng jail officer.