Tuesday, November 6, 2012

Payapa ang paggunita ng undas sa Bulacan




HAGONOY, Bulacan—Maliban sa pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa ilang lugar sa Bulacan at masikip na daan sa mga libingan, naging payapa an gang paggunita ng undas sa lalawigan.

Ayon kay Senior Superintendent Fernando Mendez, direktor ng pulisya sa Bulacan, “generally peaceful” ang taunang paggunita ng undas sa lalawigan.

Inayunan din ito ng iba pang mataaas na opisyal ng pulisya sa lalawigan tulad nina Senior Supt. Adriano Enong, ang deputy provincial director for operations ng panglalawigang tanggapan ng pulisya,  at Supt. Rodolfo Hernandez, ang hepe ng pulisya sa bayan ng San Rafael.

Gayunpaman, sinabi  ni Hernandez na isa sa naging problema nila ay ang pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko partikular na mga lansangang malapit sa mga libingan.

Inihalimbawa niya ang kahabaan ng Donya Remedios Trinidad Highway sa bayan ng San Rafael.
 
Ayon kay Hernandez, tatlong sementeryo ang malapit sa highway, kaya’t sumikip ang daloy ng trapiko.

Bukod sa trapiko aynagsikip din ang mga daan o pasilyo sa mga pampublikong libingan sa lalawigan.

Ito ay dahil sa pagdagsa ng mga tao na ang karamihan ay inabot ng gabi dahil sa magandang panahon noong araw ng undas.

Isang halimbawa ay ang Hagonoy Municipal Cemetery na matatagpuan sa Barangay San Sebastian sa bayang ito.

Ayon sa ilang residente, bukod sa maraming tao sa libingan ay kumipot ang mga daang tao dahil may mga itinayong puntod sa gilid ng mga daanan na dati ay maluwang.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang mga Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) sa simbahan at mga pamahalaang lokal na pagtulungan ang pagsasaayos ng mga libingan sa lalawigan.

Ayon kay Isagani Giron, dating pangulo ng Sampaka, unti-unting nasisira ng mga puntod at iba pang gamit sa mga libingan.

Inihalimbawa niya ang puntod ng 20 kababaihan sa Malolos na ang ilang kasapi ay nakalibing sa Malolos Catholic Cemetery na itinayo noong 1680.

“Hinanap ko bago mag-undas yung puntod ng ilang kasapi ng Women of Malolos, pero yung iba hindi ko na makita,” ani Giron.

Samantala, mistula namang mga bahay sa subdibisyon ang mga musoleo sa dalawang pribadong memorial park sa bayan ng Baliwag.

Ito ay dahil sa naglalakihan ang mga ito at ang iba ay may ikatlong palapag pa.

Ayon kay Jaime Corpuz, pangulo ng sangay ng Heritage Conservation Society (HCS) sa Bulacan, ang mga libingan sa salamin ng kasaysayan at kalinangan ng isang bayan.

Binigyang pansin niya na ang bayan ng Baliwag na ayon sa mga manunulat ay itinuturing na “Binondo ng Bulacan” dahil sa ang glorieta nito ay nakakahalintulad ng glorieta ng Binondo.

“Marami na ang nagkamali sa larawan ng glorieta ng Baliwag na nasa mga libro dahil ang akala nila ay glorieta ng Binondo,” ani Corpuz.

Ipinaliwanag ni Corpuz na ang bayan ng Baliwag ay namumukod tangi sa Bulacan dahil ito ay isa sa mga pangunahing pamayanan ng mayayamang Tsino na nanirahan sa lalawigan noong panahon ng Kastila.

“Ang sentro noon ng lalawigan ay ang bayan ng Bulakan, at siyempre may diskriminasyon pa sa mga Chinese kaya nasa medyo malayo sila, kaya sa Baliwag sila nanirahan,” ani Corpuz.
 
Ikinuwento niya na ang kaunlaran ng Baliwag sa nagdaang panahon ay makikita sa kalagayan ng mga musoleo sa mga libingan nito, lalo na sa Sto. Cristo Catholic Cemetery.

Ayon kay Corpuz, ang mga naglalakihang musoleo sa mga pribadong memorial park sa nasabing bayan ay naimpluwensiyahan ng mga musoleo sa Sto. Cristo Catholic Cemetery, at ang mga ito ay nagpapakita ng pagiging progresibo ng bayan.

“Second home ang pananaw ng marami sa sementeryo, kaya ginagastusan nila ang musoleo ng pumanaw na kaanak at doon mo makikita kung sino ang mayaman ay hindi.,” ani Corpuz.

Una rito, nanawagan din si Corpuz sa mga pamahalaang lokal na pag-aaralan ang potensyal ng mga sementeryo upang maging isang tourist attraction.

Dahil dito, iginiit niya na dapat proteksyunan ng mga pamahalaang lokal ang mga sementeryo.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment