Thursday, March 8, 2012

3 patay, 2 sugatan sa Calumpit truck rampage


MALOLOS CITY—Tatlo katao ang kinarit ni kamatayan, at dalawa apa ang nasugatan matapos araruhin ang mga sasakyan sa Calumpit ng isang dumptruck na tumatakas sa galit ng mamamayan ng Pulilan kamakalawa ng gabi.

Ang mga namatay ay nakilalang sina Romnick Aguilar, driver ng truck, Ramil Anade, pasahero ng truck; at tricycle driver na si Avelino Cartago.

Nasugatan naman sina Alfredo Aguilarna ngayon ay nasa kritikal na kondisyon sa  Bulacan Medical Center, at si Danny Balmaceda, isa sa mga humabol sa dump truck.

Ayon kay Superintendent Manuel Santos, hepe ng pulisya ng Calumpit, nag-ugat ang insidente sa diumano’y pambabato ni Romnick sa limang tapong gulang na si Renza Daban sa Brgy. Dampol Pulilan, pasado alas-6 ng gabi noong Huwebes.

Ikinagalit ito ng mga residente kaya’t tinangkang kumprontahin si Romnick, ngunit agad itong sumakay sa kanyang dump truck na may plakang RKX-243, at tumakas.

Hinabol ito ng mga residente kabilang si Balmaceda na sumakay sa isang Forward truck na may plakang XCR-227.

Batay sa pahayag ni Balmaceda, tinangka nilang mag-overtake sa dumptruck pagdating sa Brgy. Caniogan, Calumpit, di kalayuan sa Calumpit District Hospital.

Ngunit sa halip na huminto ang dumptruck, inararo nito ang Forward truck at nadamay ang tricycle na minamaneho ni Cartago.

Ayon sa pulisya, dead on the spot sina Romnick at Anade, maging si Cartago na nagkadurog-durog ang katawan pati tricycle.

Sinabi naman ng mga saksi na matapos ang insidente, agad na tumakas ang tatlo pang kasama ni Romnick upang makatakas sag alit ng taumbayan.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.

No comments:

Post a Comment